It’s Not A Bad Thing

5:30 ng hapon, naglalakad ako sa AS lobby na puno ng tao. Kakatapos lamang ng klase kaya’t pauwi na sana ako nang biglang napukaw ang aking atensyon ng isang madlang pawang nagbibigay-daan sa akin. Unti-unti silang bumuo ng isang daan patungo sa gitna ng bulwagang ito. Pawang hinati ni Moses ang  madla. Habang umuurong sila papalayo sa akin ay naririnig ko na ang musika. Sumasayaw ang ilang kaibigan ko. Akala ko may event  ang org namin. Napaisip ako dahil wala naman talaga. Tumugtog bigla ang paborito kong kanta ni Justin Timberlake,

“Said all I want from you is to see you tomorrow…”

Nanginginig ang boses at pinipilit niyang lagyan ng emosyon ang kanta. Pwede na. Parang pamilyar ang tinig na iyon. Ilang sandali pa ay mayroong lumapit sa akin, ngumiti siya at binigyan ako ng Stargazer. Nagdatingan na ang ibang tao, mga 11 rin silang nagbigay sa akin ng bulaklak. Hindi ko inaasahan ang mga nangyayari ngayon. Akala ko ay masaya lang ako dahil tapos na ang hellweek na ito. Iyon pala ay may surpresa pang nag-aabang sa akin. Wala akong alam sa nangyayari, bigla-bigla na lang may sumasayaw, kumakanta at nagbibigay ng bulaklak sa akin.

Totoo ba? Para sa akin nga ba talaga ang mga ito? Maluha-luha na ang mga mata ko. Natatakot at kinakabahan ako sa nangyayari. Baka Wow Mali lamang pala ito at mapahiya ako kung maniniwala ako. Natutuwa rin ako dahil hindi ko akalaing mangyayari ito sa akin. Naguguluhan na ako, gusto ko ng tumakbo palayo dahil nakatingin ang lahat ng tao sa akin. Nahihiya na akong tumayo mag-isa sa gitna ng mga taong abala sa pakikiusyoso sa nangyayari. Ano nga bang mayroon ngayon? Sino ba ang may pakana nito?

Unti-unti ko na rin narinig ang chorus ng kanta. “So don’t act like it’s a bad thing to fall in love with me. ‘cause you might look around and find your dreams come true with me…” Unti-unti ring tumingin siya sa akin at ngumiti, pa-cute. Di ko napigilang tumulo ang luha ko sa sobrang tuwa at kilig. Kilala ko na, alam ko na ‘to. Lumapit pa siya sa akin habang itinutulak ako ng mga kaibigan namin papalapit sa kanya. Syempre nahihiya ako at patweetums  pa kunwari. Gusto kong ihampas sa kanya ang hawak kong 11 na bulaklak ngunit sayang naman kung masisira ang moment niya. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyayari. Hindi ko inakalang gagawin niya ito para sa akin.

Siya kasi yung tipong mahiyain at tahimik lang kung hindi mo siya kakausapin. May sense of humor naman din siya pero pinapakita niya lamang ito sa mga malapit niyang kaibigan, katulad ko. Mahilig siyang magsulat ng mga kwento, mahilig din siyang magbasa ng libro, at higit sa lahat, mahilig siyang makinig ng musika at sa mga pagkanta ko. Palaging kami ang magkasama, palaging kami rin ang naririnig sa barkada na kumakanta o di kaya ay nagtatawanan na lang bigla. Kumpara sa iba naming kaibigan, iba ang trato niya sa akin. Sa tuwing nagkikita kami, asahan mo ng may yakap ang pagbati sabay hawak sa kamay na hindi na bibitaw hangga’t hindi aalis ang isa. Madalas din kaming kumain ng lunch ng sabay. May sarili kaming mundo kung kami ang magkasama. Kung anu-ano rin ang pinag-uusapan namin. Ako ang “Hugot-queen” at siya naman ang “Hugot-King”.

“Huy, may something ba kayo ni Coco?” natanong ako bigla ng isa sa mga pinakamatalik naming kaibigan. Ang akala nga nila ay kami na pero hindi talaga. Friends lang kami. Oo, friends lang siguro.

Wala namang namamagitan sa aming dalawa bukod sa pagiging magkaibigan namin at pakiramdam na masaya kung kasama ang isa’t isa. Wala na akong naiisip na mas malalim pang pakahulugan sa mga hawak niya sa kamay ko at mga yakap niya sabay akbay sa balikat ko. Matapos niyang tanungin sa akin iyon ay napaisip na rin ako. “Ano nga ba talaga ako sa kanya?”  Sa ilang araw ng pag-iisip, sa tingin ko nahulog na ako sa kanya. Hindi ko sinasadya pero hindi ko rin mapigilan. Para akong si Eba matapos kumagat sa prutas ng karunungan. Namulat ako sa sitwasyong kinalalagyan ko. Para akong nasakluban ng langit at lupa at dinagdagan pa ng araw at mga bituin. Hindi ko na kayang itago ang nararamdaman ko. Pinilit ko pang itago, kahit kaunti lang pero nagpupumilit itong puso ko. Hindi ko kaya. Higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya pero hindi ko alam kung ganoon din siya.

Alas-9 ng gabi sa isang bar sa Tomas Morato, may party kami kaya’t nakaheels  ako at itim na dress. Nakita ko na ang mga kaibigan ko sa isang table diretso ang tingin at lakad. Handang handa na ako para sa gabing ito. Iniwan ko muna lahat ng hiya ko sa loob ng kabinet ko at kinandado sandali. Kailangan ko munang lunukin ang kaba ko at humanap ng tamang tiyempo para sabihin sa kanya ang nararamdaman. Makalipas ang isang ras, dumating na siya at sabay ang tugtog para ang lahat ay magparty. Nakainom na siya ng ilang bote ng alak, sa tingin ko ay oras na para sabihin sa kanya. Ito na, konting lakad pa at magkasama na kaming dalawa sa iisang table.

 “Coco, may sasabihin ako sayo.” sabay tawa na parang tipikal na usapan lamang namin sa araw-araw.

“Sige, pero parang alam ko na ‘yan. Alam mo naman ako, psychic.”

“Ang hirap sabihin pero ayun, pero sorry. Crush na kasi kita eh…”

“…”

“…pero di mo naman kailangang ibalik sa akin yung pagtingin. Gusto ko lang malaman mo.”

“Alam mo, nararamdaman ko na matagal na. Sabi ko sa’yo psychic ako eh…”

Nakatitig ako sa mga mata niya at ganon din siya habang tinatapos ang kanta. Nakatayo na kaming pareho sa gitna ng madla. Kinikilig ang mga tao habang ako, kunwari ay kalma. ‘Yung ngiti ko abot hanggang batok nang ibigay niya ang huling bulaklak sa akin.

No I…won’t fill your mind, with broken promises and wasted time…” Lumapit pa siya sa akin habang nakatitig. Hinawakan niya ang mga balikat ko.

…and when you fall, you’ll always land right in these arms…” At niyakap niya ako.

…these arms of mine.”

Hindi ko alam ang gagawin ko. Tuluyan ng tumulo ang luha sa mga mata ko. ‘Yung puso ko, tuwang-tuwa. Nakayakap pa rin siya ng mahigpit at binulong niya,

“Sorry kung biglaan. Hindi ko na mapigilan.”

Niyakap ko na rin siya at lahat ng tao sa paligid sa tingin ko ay nagtilian pero hindi ko sila marinig. Napapalibutan ako ng mga bisig niya, ng mahigpit niyang yakap. Naririnig ko rin pati yung tibok ng puso niya. Mabilis at kinakabahan siya ng sobra pero naroon ang saya at kilig.  Hindi ko na siya binitawan. Alam kong ligtas na ako sa kanya at tuluyan na akong naghyperventilate. Literal na “You take my breath away.” Sobrang panira naman ng moment ‘to. Huminga ako ng malalim, hindi pa rin ako makahinga.  Pinilit kong igalaw ang mga paa ko para makatayo. Pinilit kong sabihin sa kanyang “Mahal pa rin kita” kasunod ang huling malalim na paghinga. Napapikit ako at bumagsak na yakap yakap niya. Naramdaman ko pa ang mga bisig niya at pagtawag niya sa pangalan ko.

Pagdilat ko ay nasa loob ako ng kwarto.

Nakahiga sa paborito kong unan.

Katabi ko ang mga notebook ko at g-tech pen.

Magdamag na palang nakabukas ang laptop ko.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s