Nais kong muling umiyak

Marami sa atin ang gusto ay maging masaya na lamang palagi. Iyong tipong kahit anong mangyari ay may tawa at ngiti pa rin sa kanyang mga labi. Maraming tao ang pinipilit na lamang maging masaya para masabing maganda ang buhay nila. Marami sila na ayaw ng kalungkutan at mas pinapaboran ang kaligayahan. Sino nga naman ang magpapakamartyr para manatili sa buhay na lugmok sa kalungkutan? Ngunit hindi pa rin natin maikakaila na maraming tao ang nagpapanggap sa sarili nila.

Sa kabila nito, parte ng pagiging tao ang pagiging malungkot at masaya. May mga pagkakataong malungkot tayo dahil sa pagkawala ng importanteng bagay o tao sa buhay natin. Pagkatapos ng yugto ng kalungkutan ay babawi ang kasiyahan upang pagalingin ang puso at damdamin nating napagod sa kakaiyak at pagmumukmok. Nariyan ang mga ngiti, hagikgik at gaan sa damdamin na dulot ng kaligayahang nadarama. Masasabi mo ngayong tao ka pa, may nararamdamang kalungkutan at kasiyahan. Buhay ka pa at humihinga sa katotohanan.

Ang nakikita ng mga tao ay isang masayahing ako—walang problema sa buhay, palagi na lang nakangiti at nakangisi—at nakakainggit daw ang kaligayahan na taglay ko. Oo, masaya nga ako at hindi ko maikakaila iyon. Nagpapasalamat ako at humihinga pa rin ako at nagbibigay ngiti sa mga taong mahalaga sa buhay ko. Bagama’t humihinga ako, hindi ko alam kung buhay pa ako o ilusyon ko na lamang ito sa mundo. Manhid na yata ako sa pighati ng pag-ibig at pagkakamali sa buhay. Hindi ko na nararanasang tumulo ang luha dahil may nakasakit sa aking damdamin. Hinahanaphanap ko ang mga sandaling may nanakit sa akin at pinapaiyak ako. Para bang awtomatik na tumatawa na lamang ako sa mga pagkakamali at pilit akong kumikilos ng tama upang hindi na makasakit ng iba. Ang pagngiti na lamang ang alam kong mekanisim upang harapin ang mga pagkakamaling ito.

Tanggap ko na ang pagiging duwag ko, nagpapanggap lang akong matapang. Totoong masaya ako sa bawat pagtawa ko ngunit may malaking kulang sa loob ko. Palagi na lang ba akong masaya? Hindi naman sa ayaw kong maging masaya, ngunit nais ko ring bumalik sa pagiging normal na tao. Nais kong bumalik ang damdamin kong nalulungkot din. Sa tuwing makikita ko ang sarili ko na masaya, naghahanap ako ng dahilan upang kahit papaano ay makaranas naman ako ng kalungkutan. Minsan ay nahanap ko ito at may tumulong luha sa pisngi ko.

Naawa ako sa sarili ko. Una, nakita ko kasi ang kalungkutan sa loob ko ay bigo ako sa pagnanais kong ibahagi ang nag-uumapaw na kaligayahan ko sa mga tao sa paligid ko, o di kaya sa iisang tao na pahahalagahan ko ng lubos. Hindi ko ito magawa dahil hindi ko alam kung sino ang nais tumanggap ng kaligayahang ito. Pangalawa, nalulungkot ako dahil wala akong makitang dahilan ng kalungkutan ko kaya’t pinipilit ko ang sarili ko na maging malungkot. Nakakaawa dahil hindi ito ganap na kalungkutan. Nagpapanggap lang ako sa sarili ko.

Sa pagpipilit kong hanapin ang makakapagbalik sa pagkatao ko ay patuloy ko lamang dinudurog ang puso ko. Patuloy ko lamang pinapamanhid ang damdamin ko. Naghahanap ako ng taong pahahalagahan ako, akala ko naman ay makakatulong sa aking pagpapakatao, ngunit pagkakamali pala na sila ang napili ko. Lalo lamang lumala ang sitwasyon—ayoko ng umasa sa tao at wala na yatang pag-asa ang damdamin ko. Matagal na rin mula ng masambit ko ang mga katagang iyan sa sarili ko.  Sa kabila ng lahat ng ito, nais ko pa ring malaman kung kailan ko nga ba ulit mararamdaman ang sakit na dulot ng pag-ibig? Kailan ko bibitawan ang pagiging manhid? Paano ko nga ba ipapaalala sa sarili ko kung paano lumuha dahil hindi ko na kaya? Gaano nga ba kasarap ngumiti pagkatapos ng pighati? Paano nga ba ako magiging tao muli?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s